Kinakatawan namin ang libu-libong magsasaka, mangangalakal at nagtitinda ng bigas at iba pang batayang pagkain sa ating bansa. Responsibilidad naming tiyakin na ang sistema ng industriya sa bigasay makapag-dudulot ng abot-kaya at ligtas na pagkain; sa lahat ng oras, sa bawat Pilipino.
Mahalagang papel ang ginagampanan namin sa pagseseguro na ang kasalukuyang kaunlarang tinatamasa ng ating bayan ay tuwirang nararamdaman sa puso, diwa, at tiyan ng bawat Pilipino. Itinatakwil namin ang anumang sabwatan na magpapahirap sa kalagayan ng lahat - laluna't sa mga nagugutom at hikahos.
Katuwang kami ng gobyerno sa layuning matamasa ng bawat isa ang maginhawa at mapayapang pamumuhay. Sumusunod kami sa batas at binabantayan namin ang aming hanay upang iwasan ang mga ganid sa tubo at kapangyarihan. Hindi namin pagtatakpan ang pagsasamantala sa presyo at panganib sa kalidad ng pagkaing bumubuhay sa atin. Higit sa lahat ilalantad namin ang mga negosyanteng akmang makikinabang sa paghihirap at pagtitiis ng lipunan.
Higit sa lahat, mahalagang papel ang ginagampanan namin sa pagtitiyak na ang pagkain sa bansa ay makakarating sa bawat tahanan - laluna't sa mahihirap. Aktibo kami sa mga programa at proyekto na makapagpapabuti ang kalusugan ng pamayanan. Mahigpit naming sinusubaybayan ang suplay at presyo ng bigas at iba pang bilihin, at mabilis kaming tumugon sa pangangailangan sa anumang sakuna – krisis, digmaan, o kalamidad.
Naging kabalikat ninyo kami sa lahat ng krisis at sa sunud-sunod na trahedya at paghihirap na dulot ng mga bagyo at ngayon itong pagkakaroon ng mababang imbentaryo ng ating Ahensya ng Bigas. Hindi kami sumuko at hindi kami nagmalabis. Binuksan namin ang aming bodega upang tugunan ang kagutuman – malagay man sa panganib ang aming hanapbuhay at puhunan.
lam namin na may responsibilidad din kami sa paglikha ng ganitong kamalayan. Tahimik lamang kami sa aming gawain. Hindi kami naghahanap ng premyo o pagkilala sa kabutihang ginagawa namin. Alam namin na sa maraming pagkakataon ang di pag-unawa ay sanhi ng di pagtalakay sa tunay na kalagayan ng pagkain sa bansa.
Kaya't payagan ninyo kaming magpaliwanag:
Totoo nga na ang pagkain sa araw-araw, laluna't ang bigas at iba pang butil, ay nasa mga pribadong bodega. Ito'y sapagkat sa ilalim ng batas, ang mga pribadong mangangalakal at mga kooperatiba ay pinapayagang mag-imbak, mag-benta mamahagi at mangalakal sa lahat ng dako ng bansa.
Totoo din na mayroong mga mapagsamantalang mangangalakal na umaangkat ng bigas, mais, bawang, sibuyas, at iba pang gulay na hindi nagbabayad ng wastong buwis, o di kaya'y palihim na nag-iimbak ng pagkain sa panahon ng krisis para lumaki ang kanilang kita.
Ngunit higit na marami sa aming hanay ay hindi lumalahok sa mga katiwaliang ito. Humigit-kumulang limang porsyento lamang ng kabuang kalakalan sa bigas at iba pang pagkain ang batbat ng kasakiman at pagsasamantala.
Halimbawa, alam naman natin kung gaano kahigpit ang pamahalaan sa pangangasiwa sa industriya ng bigas. Ito'y katangian ng industriya sa buong Timog-Silangan Asya, kung saan ang bigas ang pangunahing pagkain. Kinikilala ng mga eksperto na ang mahigpit na pamamahalang ito ay epektibo upang maiwasan na mahawakan sa leeg ang mga Kagawaran ng Agrikultura (DA) at ang Pambansang Pangasiwaan sa Pagkain (NFA) ng malalaking mangangalakal. Hindi sabwatan, kundi pagtutulungan ang takda ng aming ugnayan sa pamahalaan.
Ang aming sistema ng pamamahagi sa bigas at iba pang pagkain ang siya ring sistemang ginagamit ng gobyerno, taong simbahan, at iba pang local at dayuhang organisasyong pangkaunlaran. Maari itong patotohanan ng iba't ibang lider ng pamayanan na nakadaupang-palad namin sa panahon ng iba't ibang sakuna at trahedyang bumisita sa ating bansa nitong nakaraan.
Maliwanag sa amin na maraming dapat isaayos sa sistemang ito. Hindi kami bulag sa kailangang reporma. Maraming patakaran ang dapat baguhin – isa na dito ang pagseseguro ng hindi magagamit ng mga namamahala ang kanilang posisyon upang manggipit at manisi.
MARAMING SALAMAT PANGULONG RODRIGO DUTERTE, DATING PANGULONG GLORIA MACAPAGAL ARROYO, SECRETARY MANNY PIÑOL, SECRETARY JUN EVASCO, NFA ADMINISTATOR JASON AQUINO, maasahan po ninyo na BUONG BUO ANG AMING SUPPORTA SA INYO AT SA SAMBAYANANG PILIPINO!